December 24, 2024

100,000 PABAHAY MATITIRHAN NA SA 2024

nihayag ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na simula sa susunod na taon, maku-kumpleto at matitirhan na ang nasa 100,000 pabahay sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Project ng administrasyong Marcos.

Sa pag-iinspeksyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Pambansang Pabahay Project sa San Fernando City, Pampanga, ipinaliwanag ni Housing Sec. Jerry Acuzar na hindi kaagad matatapos ng sabay-sabay ang lahat ng milyung-milyung pabahay.

Ito ay dahil karamihan sa mga gusali ng pabahay ay naglalaro sa 12 hanggang 25 palapag, na aabutin ng ilang taon bago matapos.

Aminado rin ang DHSUD na nagiging hadlang ang paghanap ng mga lupang pagtatayuan ng pabahay.

Sa kabila nito, kampante si Acuzar na sa 2024 ay handa nang tirhan ang nasa 100,000 housing units.

Sinabi pa ng Housing Czar na nasa kabuuang 1.3-M na proyektong pabahay na ang nakalatag, at nasa 20 housing projects na ang umuusad sa iba’t ibang probinsya.

Target ng administrasyong Marcos na makapagpatayo ng kabuuang 6-M pabahay sa loob ng anim na taon.