November 23, 2024

Isko umapela ng donasyon para maipagpatuloy ang libreng COVID-19 mass testing

BINATI ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang kanyang nasasakupan kasabay ng pagbubukas ng Walk-in COVID-19 testing center sa Ospital ng Sampaloc sa Maynila ngayong araw, 2020. Una nang binuksan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang dalawang drive-thru testing center noong nakaraang linggo at ito’y naging matagumpay para hikayatin ang Manileños at maging sa mga hindi naninirahan sa lungsod. (kuha ni NORMAN ARAGA)

UMAPELA si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng donasyon upang maging tuloy-tuloy ang mga operasyon ng siyudad para sa libreng COVID-19 walk-in at drive thru testing centers.

Gagamitin ang malilikon na donasyon ng pamahalaang lungsod upang ipambili ng mga kailangan sa pag-test ng blood samples mula sa mga pasyente.

Bukas ang testing areas ng lungsod para sa lahat, hindi lamang para sa Manileño kundi maging sa mga hindi naninirahan sa Maynila, lalo na at isinusulong ng pamahalaang lungsod ang inclusive approach sa paglaban sa COVID-19.

Patok hindi lang sa mga residente ng Maynila ang itinatag na COVID-19 drive thru testing center sa Quirino Grandstand kundi maging sa iba pang motorista na naninirahan sa ibang lungsod. (kuha ni NPRMAN ARAGA)

“I want every Manileño to be good people to others, like how Manila is trying to be a good neighbor to other cities,” ani Domagoso.

“Yakapin natin lahat hanggang kaya nating yakapin lahat. We cannot survive alone. Kakayanin natin ang hamong ito,” dagdag pa ng alkalde.

Sa kasalukuyan, ang testing area sa Quirino Grandstand ay may kapasidad na 700 test kada araw habang 200 test kada araw naman sa Lawton drive thru.

Bukas ang dalawang drive thru areas mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Samantala, binuksan din ngayon ng Manila City government ang unang Walk-In Testing Center sa Ospital ng Sampaloc.