January 19, 2025

BSP, SEC INALARMA SA ONLINE LENDING APPLICATIONS (Mga biktima hinaharas, pinagbabantaan – Gatchalian)

NANAWAGAN si Senator Sherwin Gatchalian sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Securities and Exchange Commission (SEC) na maging proactive sa pag-detect ng online lending applications na napapaulat na nanghaharas at pinagbabantaan ang mga umuutang na hindi nakapagbabayad.

Sa isang panayam, sinabi ng mambabatas na nagiging ‘sotispikado’ na ngayon ang mga online lending applications, kung saan ilan sa mga ito ang hindi sumailalim sa BSP registration at may kakayahang matunton ang kanilang mga biktima at kilatisin ang mga ito.

“Dapat maging proactive din ang BSP, kasama ang SEC dahil ang SEC nire-regulate naman ang mga korporasyon. Dapat maging active sila na ma-detect ‘yung mga ganitong hindi magaganda at i-report na kaagad sa Apple Store or sa Google Play Store para matanggal,” ayon kay Gatchalian.

Noong Mayo, inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 626 na nag-aatas sa Senate Committee na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa proliferation ng unauthorized online lending applications at mga abusadong lending corporations.

[I]t is important that measures are in place that will safeguard the interests of the consumers against trade malpractices, false and misleading advertisements, and other types of misrepresentations,” saad ni Gatchalian sa kanyang resolusyon.
“It is equally important that we make sure that such measures are properly implemented and complied with, including ensuring that these applications are authorized to operate by proper government authorities and that they are operating in accordance with the rules and regulations, fair practices and responsible lending.”


Una nang naghain sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang Philippine Association of Loan Shark Victims Inc. (PALSVI), ng cyberbullying, harassment, grave threat at data privacy complaints laban sa 15 online lenders.

Nag-ugat ang reklamo ng PALSVI dahil sa panghaharas, pambabastos at pagbabanta sa mga miyembro nito mula sa mga kolektor ng online lenders kung hindi nila mababayaran ang kanilang loans sa takdang panahon.

Pinaalalahanan naman ni Gatchalian ang mga Filipino na umiwas sa mga tao o organization na nag-aalok para pautangin sila sa madali at mabilis na paraan.

“May catch ‘yan o merong kapalit ‘yan dahil ang pagpapautang merong regulasyon ‘yan eh. Lahat ‘yan dumadaan sa BSP. Ang pagpapautang, meron din ‘yang proseso. Pero kung napakabilis…mag-ingat ka kaagad dahil may kapalit ‘yan na hindi maganda,” dagdag niya.