December 20, 2024

WARDEN NG MALABON CITY JAIL SINIBAK (Makaraan mag-noise barrage ang mga PDLs)

INALIS na sa puwesto ang Warden ng Malabon City Jail (MCJ) matapos magsagawa ng noise barrage at paninira ng mga gamit ang mga persons deprived of liberty (PDLs) makaraang ilipat ang dalawa nilang kasamahan na tumatayong mayores Biyernes ng hapon.

Sa naging pahayag ni Chief Insp. Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), pansamantalang inalis sa puwesto ang Warden na si Supt. Joseph Tacdoy at ipinalit bilang officer-in-charge (OIC) si Chief Insp. Vic Luque habang gumugulong ang isasagawang imbestigasyon.

Ayon naman kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nagsimulang maging marahas ang mga PDLs alas-4:30 ng hapon nang ilabas mula sa pasilidad ang magkapatid na Anthony at Danilo Francisco na kapwa nahaharap sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga at sila ring tumatayo bilang mayores sa mga selda ng grupong “Sputnik” upang ilipat sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Sinabi ni Col. Daro na inilipat patungong Bicutan ang magkapatid matapos maglabas ng “commitment order” o kautusan ang Malabon City Regional Trial Court (RTC) sa kanilang paglilipat sa MMDJ na mariing tinutulan ng mga PDLs.

Dahil dito, nagsagawa ng noise barrage at basag ng mga salamin na bintana ng pasilidad ang mga PDLs saka inihagis at ikinulong pa ang limang jail officers na ligtas namang nakalabas matapos ang kaguluhan.

Nagtungo naman sa lugar si Mayor Jeannie Sandoval upang alamin ang sitwasyon at gumawa ng kaukulang hakbang para matulungang resolbahin ang problema ng mga PDL.

Napasugod din ang mga kaanak ng mga PDLs na nangamba sa magulong sitwasyon at si Vice Mayor Bernardo “Ninong” Dela Cruz upang tumulong na mapahinahon ang mga PDLs at alamin ang kanilang mga hinaing,

Maliban sa hirit na alisin sa puwesto ang Warden at lima pang opisyal na nakatalaga sa MCJ, inireklamo rin ng mga PDLs ang umano’y hindi makataong pag-trato sa kanila at hindi anila makain maski hayop na iniluluto umanong pagkain para sa kanila. Wala namang PDL na nagtangkang tumakas makaraang magtalaga ng sapat na puwersa ng kapulisan si Col. Daro sa paligid ng MCJ para tumulong sa mga miyembro ng BJMP na magbantay ng seguridad sa paligid at bandang alas-7:30 ng gabi nang magbalik na sa normal ang sitwasyon.