November 23, 2024

DENVER NUGGETS, NAPANALUNAN ANG KANILANG UNANG NBA CHAMPIONSHIP TITLE

Nasungkit ng Denver Nuggets ang 2022-23 NBA championship matapos talunin ang Miami Heat sa game 5 ng finals sa iskor na 94-89. Ito ang kauna-unahang kampeonato ng koponan sa 47 taon nito sa liga.

Hindi naging madali ang close-out game para sa Nuggets dahil lumaban ang Heat hanggang sa mga huling sandali ng 4th quarter.

Lumamang pa ang Heat 89-88 subalit nakabalik ang Nuggets sa tulong ng put-back ni Bruce Brown. Sa huling 27.4 seconds sa laro, nag-commit ng turnover si Jimmy Butler at nagmintis rin ang kaniyang three-point attempt para sana buhayin pa ang pag-asa ng Miami.

Apat na free throws ang naipukol ng Nuggets sa mga huling segundo para selyuhan ang kampeonato.

Itinanghal na Finals MVP si Nikola Jokic na nagtala ng 30.2 points, 14 rebounds at 7.2 assists sa serye.

Siya unang manlalaro sa kasaysayan ng NBA Finals na nagtala ng naturang average. Kinumpleto ni Jokic ang isang dominanteng playoff run matapos pangunahan ang buong liga sa points, rebounds at assists.

Pabirong hirit ni Jokic pagkatapos ng laban, pwede na silang umuwi dahil tapos na ang trabaho. Sambit naman ni head coach Michael Malone sa trophy presentation, susubukan pa nilang sundan ang kampeonatong ito.