NAMATAY ang isang 51-anyos na barangay tanod matapos malunod sa ilog makaraang sumupungin umano ng sakit na epilepsy sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang si Richard Balong, Tanod ng Brgy., San Rafael Village ng lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon nina PCMS Aurelito Galvez at PSSg Allan Bangayan, unang inatake ng epilepsy ang biktima habang sinusuri ang mga biniling mga bakal sa gilid ng ilog na gagamitin sa pagkukumpuni ng kanilang bahay.
Nagawa namang makabawi sa naramdamang atake ang biktima matapos makapagpahinga kaya’t tiwala ang kanyang pamilya na maayos na ang kanyang lagay.
Gayunman, dakong ala-1 ng hapon nang makita ng 28-anyos na binata ang lumulutang na katawan ng biktima sa ilalim ng Marala Bridge sa Brgy. San Rafael Village kaya agad siyang humingi ng tulong upang mai-ahon at maisugod sa pagamutan si Balong.
Ayon sa pulisya, posible umanong sinumpong muli ng sakit na epilepsy sa gilid ng ilog ang biktima hanggang sa mahulog na naging sanhi ng kanyang pagkalunod.
More Stories
DOH SA PUBLIKO: GAWING LIGTAS, MALUSOG ANG HOLIDAY SEASON
CONVERGE MAGKASUNOD ANG PANALO
Navotas, tumanggap ng Gawad Kalasag