December 26, 2024

4  top performing first-term city mayors sa bansa, kinilala

HINIRANG ang mga alkalde ng mga lungsod ng Candon sa Ilocos Sur, Caloocan, Malabon at Navotas bilang “top performing first-term city mayors” sa bansa sa isinagawang survey  ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD).

Sinabi ng RPMD na ang survey ay ginanap noong Pebrero 25 hanggang Marso 8 kung saan sakop nito ang lahat ng lungsod sa mga rehiyon sa bansa at nilahukan ng 10,000 rehistradong botante na random na pinili.

Ayon sa survey, nanguna si Candon City (Ilocos Sur) Mayor Eric Singson na nakakuha ng 92.80 percent job performance rating na sinundan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo Malapitan na may 91.8 percent ay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval na nakakuha ng 91.99 percent, habang nakakuha naman ng 91.82 percent si Navotas City Mayor John Rey Tiangco na statitistically-tied sa 1st rank.

Kabilang sa mga parameter ng survey ay ang pagganap ng mga alkalde sa pagpapatupad ng patakaran, paghahatid ng serbisyo, pamamahala sa pananalapi, pakikilahok ng stakeholder, transparency, mga hakbang laban sa katiwalian, relasyon sa publiko at mga aktibidad sa pagpapaunlad ng komunikasyon.

Samantala, nagpasalamat sina Malapitan, Sandoval at Tiangco sa kanilang mga nasasakupan sa mataas na job performance rating na kanilang natanggap bilang mga first-term mayor sa kani-kanilang lungsod.

Ang RPMD ay isang non-government na organisasyon na naglalayong magbigay ng tuluy-tuloy na stream ng tumpak na data at mga insight na may layunin para sa mga kumpanya, gobyerno, at institusyon na kumilos nang maagap upang mas mahusay na mapaglingkuran ang mga tao sa mga komunidad.