November 17, 2024

PERSON OF INTEREST SA PAGPATAY SA BROADCASTER SA MINDORO

Naglunsad ng manhunt operation ang Philippine National Police (PNP) laban sa gunman ng radio broadcaster na si Cresenciano Aldovino Bunduquin, kamakalawa ng madaling araw sa Calapan City, Mindoro.

Ayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., tiwala siya sa Special Investigation Task Group (SITG) Bunduquin na agad madadakip ang natukoy nang suspek kasabay sa pagsilip sa lahat ng anggulo.

Nabatid na may narekober nang mga piraso ng ebidensya ang kapulisan na magtuturo sa suspek o mga suspek sa krimen, bagaman hindi muna pinangalanan ang mga ito.

Si Bunduquin ay radio host ng DWXR101.7 Kalahi FM. Samantala, tiniyak naman ni Acorda ang seguridad ng media sa kabila nang nangyaring pamamaslang kay Bunduquin.

Panawagan nito sa mga mamamahayag na agad na makipag ugnayan sa PNP sakaling may natatanggap na pagbabanta sa kanilang buhay. Pinatay si Bunduquin dakong alas 4:20 ng madaling araw nitong Miyerkules sa harap ng kaniyang sari-sari store sa Brgy. Sta. Isabel, Calapan, Mindoro.