January 19, 2025

NAVOTAS NAGBIGAY NG SCHOLARSHIP SA 108 STUDENT-ATHLETES

PINIRMAHAN ni Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga iskolar at kanilang mga magulang o tagapag-alaga, ang memorandum of agreement para sa NavotaAs Athletic Scholarship Program matapos tumanggap mula sa Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng scholarship ang aabot 108 Navoteñong elementary at high school students na mahuhusay sa sports. 

NAGBIGAY ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng scholarship sa 108 Navoteño elementary at high school students na mahuhusay sa sports.

Kabilang sa mga bagong scholar ang 36 Navotas Division Palaro champion sa athletics, 24 sa taekwondo, 16 sa badminton, 13 sa swimming, apat na nagwagi ng ginto sa table tennis, anim sa chess, at siyam sa arnis.

Nilagdaan ni Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga iskolar at kanilang mga magulang o tagapag-alaga, ang memorandum of agreement para sa NavotaAs Athletic Scholarship Program.

“We believe that the Navoteño youth are all achievers. We just need to focus on their individual strengths, talents and skills to help them reach the top,” ani Tiangco.

Ang mga athletic scholars ay tatanggap ng P16,500 transportation at food allowance, at P1,500 para sa kanilang uniporme at kagamitan tuwing scholarship term.

Makakakuha din sila ng libreng pagsasanay mula sa mga coach na kinuha ng pamahalaang lungsod at tulong sa pagsali sa mga pribadong kompetisyon.

Ang kanilang scholarship ay maaaring i-renew taun-taon kung sila ay manalo ng hindi bababa sa ikatlong puwesto o katumbas nito sa anumang panrehiyon o pambansang mga kumpetisyon sa palakasan, dumalo sa lahat ng kailangan at nakatakdang pagsasanay, at mapanatili ang kanilang mga marka sa paaralan.

“We want to hone the talents and skills of our young athletes so they can continue to excel in their respective sports and represent the city in competitions,” pahayag ni Tiangco.

Mula nang itatag ito noong 2011, nagawang suportahan ng NavotaAs Scholarship Program ang edukasyon ng mahigit 1,000 estudyante at guro.

Ang pamahalaang lungsod ay nag-aalok din ng mga scholarship sa mga mag-aaral na nagpapakita ng namumukod-tanging pagganap sa akademya at talento sa sining, at sa mga bata o kamag-anak ng Top Ten Most Outstanding Fisherfolk.