December 21, 2024

Karamihan ng krimen na kinasasangkutan ng POGO ay kaso ng human trafficking –Gatchalian

Karamihan sa mga krimen na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ay may kinalaman sa mga kaso ng human trafficking na isang indikasyon na nag-o-operate sa bansa ang mga organisadong grupong kriminal sa industriya, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Ito ay nakakabahala, nakakaalarma, at maaaring magkaroon ng malubhang implikasyon sa pambansang seguridad ng bansa,” diin niya.

Inilahad sa isang liham na ipinadala ng National Bureau of Investigation sa senador ang ilang POGO-related cases na hinahawakan ng Investigation Service ng ahensya. Ayon sa NBI, umabot sa 113 ang bilang ng POGO-related crimes mula Nobyembre 2019 hanggang Marso 2023. Ang naturang sulat ay ipinadala noong Marso 23, 2023 at nilagdaan ni Atty. Medardo De Lemos, NBI Director.

Batay sa datos na ibinigay ng NBI, 65 ang mga kaso ng human trafficking sa 113 na POGO-related cases.

“Ang human trafficking ay isang karumal-dumal na krimen na nagsasamantala sa mga tinatawag na most vulnerable sa ating mga komunidad at ang datos mula sa NBI ay nagpapakita lamang na ang ilang POGO operator ay sangkot na rin sa human trafficking. Hindi natin papayagang magpatuloy ang ganitong mga krimen sa ating bansa,” diin ni Gatchalian.

Bilang chairman ng Senate Committee on Ways and Means, pinangunahan ni Gatchalian ang pagdinig sa senado hinggil sa implikasyon ng POGO sa ekonomiya at seguridad ng bansa kasunod ng maraming ulat ng krimen na nauugnay sa operasyon ng POGO.

Kasunod ng ilang mga pagdinig sa senado, nanawagan si Gatchalian para sa agarang pagsasara ng mga POGO sa bansa upang magkaroon ng kapayapaan at kaayusan at mapanatili ang paglago ng ekonomiya. Ito ay inilahad din ng senador sa kanyang Chairman’s Report na isinumite din niya sa Malacanang.

Bukod sa 65 kaso ng human trafficking, makikita rin sa ulat ng NBI na mayroong 33 kaso ng international operations na naimbestigahan, 7 kaso ng cyber crimes, 4 na anti-organized at transnational na krimen, 3 kaso ng pandaraya, at isang kaso ng anti-violence. laban sa kababaihan at mga bata – lahat ay may kaugnayan sa POGO.