November 18, 2024

MATAAS NA PINUNO NG CTG SA MINDANAO, ARESTADO SA MALAYSIA

Binitbit ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (PNP) patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang lalaki na itinuturing ng mga awtoridad bilang Secretary ng Southern Mindanao Regional Committee at miyembro ng NPA/CPP/NDF at communist terrorist group matapos itong maaresto sa Malaysia kamakailan lang.

Dinala ng security forces ng Pilipinas sa pakikipagtulungan ng Bureau of Immigration, ang suspek sa NAIA Terminal 2 nitong Lunes ng umaga.

Sinalubong ni PNP Directorate for Intelligence PM/General Benjamin Acorda ang suspek na si Eric Casilao sa NAIA terminal 2 na dumating sakay ng Philippine Airlines flight PR 530 mula Malaysia dakong alas-5:00 ng umaga noong Lunes na ineskortan ng PNP, AFP at sa pakikipagtulungan ng Bureau of Immigration.

Si Casilao ay isang mataas na leader ng mga bandidong CTG at kabilang a Most Wanted Person sa Mindanao kung saan ay nagtatago at nagtungo sa nasabing bansa.

Nabatid na noong March 23 ay nagkaroon ng pagtitipon ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan upang matunton at madakip ang terrorist leader, kasama ang asawa na si May Vargas Casilao kung saan ay nakatanggap ng intelligence report na tumakas ang mga ito patungong Malaysia.

Ayon sa ulat ng pulisya, si Casilao ay secretary ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC), at miyembro ng Central Committee ng CPP-NPA-NDF.

Si Casilao ay nahaharap sa kasong murder, attempted murder, kidnapping at serious illegal detention habang ang maybahay na si May na nagsisilbing plenary member ng SMRC at mayroon ding standing warrant of arrest para sa kidnapping, serious illegal detention, at attempted murder ay patuloy na tinutugis ng mga alagad ng batas. Nauna rito, humingi ng tulong ang mga opisyal ng PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan sa gobyerno ng Malaysia para subaybayan, at mai-deport ang mag-asawang ‘pugante’ matapos kanselahin ng pamahalaan ang kanilang mga pasaporte. ARSENIO TAN