December 20, 2024

4 tulak arestado sa Malabon, Valenzuela buy bust

NASABAT ng pulisya ang mahigit P.1milyon halaga ng shabu sa apat na umano’y tulak ng ilegal na droga, kabilang ang 39-anyos na Grab rider na naaresto sa magkakahiwalay na buy bust operation sa Malabon at Valenzuela Cities.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, alas-4:50 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa P. Aquino Avenue, Brgy. Tonsuya na nagresulta sa pagkakaaresto kay Michael Repolido, 39, grab rider at Ryan Romero, 33, vendor, kapwa ng Caloocan City.

Nakuha sa mga suspek ang humigi’t kumulang 12 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) value ng P81,600.00, P500 marked money at coin purse.

Sa Valenzuela, nabitag naman ng mga operatiba ng SDEU ng Valenzuela CPS sa pangunguna ni PCpt Joel Madregalejo sa buy bust operation sa Felipe Suerte St., Fortune 2, Brgy., Gen T De Leon, alas-4:20 ng madaling araw si Harold James Royo, 25, ng Caloocan City.

Ani Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, nasamsam kay Royo ang nasa 5 grams ng hinihinalang shabu na may SDP value na P34,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 15-pirasong P500 boodle money at isang motorsiklo.

Samantala, narekober naman kay Lito Horillo, 55, ng Caloocan City ang nasa P37,400.00 halaga ng hinihinalang shabu, P300 buy bust money, P200 bills at cellphone matapos siyang madakip ng mga operatiba ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Calle Onse, Brgy. Gen T De Leon, alas-8:30 ng umaga.