November 24, 2024

4 na tulak arestado sa P340K shabu sa Valenzuela

Sa kulungan ang bagsak ng apat na tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyon halaga ng shabu sa magkakahiwalay na buy busy operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa report ni PMAJ Dennis Odtuhan, hepe ng District Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Northern Police District (NPD) kay NPD Director PBGen Ponce Rogelio Penones Jr, dakong alas-2:20 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PSMS Michael Tagubilin ng buy bust operation sa 97 Diamond St., Sta Lucia, Phase 5, Brgy. Punturin, Valenzuela City.

Kaagad dinamba ng mga operatiba sina Perlito Cuizon Jr, alyas “Bok”, 40, at Gerald Maque alyas “Master”, 43, kapwa (listed) matapos bentahan ng P2,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 30 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value P204,000.00, buy bust money na isang P500 bill at 2-pirasong P1,000 boodle money at cellphone.

Nauna rito, natimbog naman ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police sa pangunguna ni PCpt Joel Madregalejo sa buy bust operation sa Corinthian School, Brgy. Gen T De Leon dakong alas-10:15 ng umaga si Audrei Rabino alyas “Uding”, 20 ng Caloocan City.

Ani PCpt Madregalejo, nakuha sa suspek ang nasa 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P68,000, P500 marked money, P300 seized money, coin purse at cellphone.

Sa Brgy. Paso De Blas, nasamsam naman ng kabilang team ng SDEU sa isa pang tulak na si Renz Daryl Rodriguez, 31 ng Caloocan City ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na nasa P68,000 ang halaga at buy bust money na isang P500 bill, 16-pirasong P1,000 at isang P500 boodle money matapos madakma sa buy bust operation sa West Service Road dakong alas-4:00 ng madaling araw.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.