November 24, 2024

PBBM dumalo sa groundbreaking ng bagong Disiplina Village Arkong Bato

PERSONAL na dumalo si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasama si Valenzuela City Mayor WES Gatchalian sa ginanap na groundbreaking and capsule-laying ceremony para sa Phase 1 ng bagong Disiplina Village Arkong Bato sa M.H. Del Pilar Street, Barangay Arkong Bato na may motto “Bagong Bahay, Bagong Buhay”.

Sa suporta ng National Housing Authority (NHA) at ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), ang Disiplina Village Arkong Bato ay ang ikaapat na in-city housing relocation project ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela pagkatapos ng Disiplina Village Ugong, Bignay, at Lingunan.

Layunin nitong makapagbigay ng disenteng tahanan para sa mga pamilyang biktima ng sunog at mailipat ang mga natitirang Informal Settler Families (ISFs) na naninirahan sa mga mapanganib na lugar sa lungsod tulad ng malapit sa mga daluyan ng tubig at mga lugar sa ilalim ng mga transmission lines ng National Grid Corporation of the Philippines.

Ang bagong Disiplina Village Arkong Bato ay itatayo sa isang 20,709 square meter parcel ng lupa sa kahabaan ng M.H. Del Pilar Street na bubuo ng dalawampung limang palapag medium rise buildings na naglalaman ng 1,200 units na pakikinabangan ng mga kwalipikadong pamilyang biktima ng sunog at ISFs.

“Ang pangalang Disiplina Village ay isang paalala na kailangang may disiplina ang mga naninirahan dito – mga residenteng hindi lamang disiplinado sa kanilang sarili, kung hindi pati na rin sa kanilang tahanan at kapaligiran. Sa kanilang paglipat sa Disiplina Village, hindi lamang tirahan nila ang nabago, kundi pati ang pananaw at pagkilala sa kanilang mga sarili. From informal settlers to homeowners, sila ngayon ay sagisag ng pagbangon sa kahirapan at sumasalamin sa mukha ng bagong Valenzuelano.” pahayag ni Mayor WES.

“Ang programang ito ay kasama na po sa Build, Better, More Housing Program ng ating administrasyon. Ang Valenzuela ay isang napakagandang halimbawa sa ating pagsisikap na makamit ang ating hangaring mabigyan ng maayos na pabahay ang ating mga mamamayan. Kaya naman hinihimok ko kayong lahat na ipagpatuloy ang de-kalidad at abot-kayang pabahay upang kayo ay maging sandigan ng bawat Pilipino.” pahayag naman ni Pangulong Marcos.

Dumalo rin sa event sina DSWD Secretary REX Gatchalian, Senators WIN Gatchalian at JV Ejercito, NHA General Manager Joeben Tai, DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, Vice Mayor Lorie Natividad-Borja at ilang konsehal ng lungsod.