November 1, 2024

Construction worker dinampot sa pangmomolestiya sa anak na dalagita

SHOOT sa rehas na bakal ang 33-anyos na construction worker matapos ireklamo ng kanyang kinakasama ng pangmomolestiya sa kanilang anak na dalagita sa Malabon City.

Base ulat ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na isinumite sa tanggapan ni P/Col. Amante Daro, hepe ng Malabon Police Station, naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling araw, sa loob ng bahay ng pamilya sa Damata, Letre Road, Brgy. Tonsuya.

Sa pahayag sa pulisya ng 14-anyos na biktima na Grade 8 student, nagising siya nang maramdaman may kamay na humihimas sa kanyang dibdib at labis niyang ikinagulat nang makita na ang kanyang ama ang gumagawa ng kahalayan sa kanya.

Kaagad isinumbong ng dalagita sa kanyang ina ang ginawa sa kanya ng ama na naging dahilan upang humingi ng tulong ang mag-ina sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 o ang Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang isasampa ng pulisya kontra sa suspek sa piskalya ng Malabon City.