December 19, 2024

2 tulak na bebot arestado sa P340K shabu sa Caloocan

SHOOT sa selda ang dalawang tulak na bebot na listed bilang high value individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyon halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PMAJ Dennis Odtuhan, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) ang naarestong mga suspek na sina Monica Suarez alyas “Monic”, 21, ng Block 38, Lot 15, Package 3, Phase 12, Brgy. 188 at Eden Laput, 37, ng No. 576 Camia St., Malaria Brgy. 185.

Sa kanyang ulat kay NPD Director PBGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Major Odtuhan na dakong alas-10:30 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng DDEU ang buy-bust operation sa pangunguna ni PSMS Michael Tagubilin sa Malaria Road corner Camia St., Brgy. 185, matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P7,500 halaga ng droga at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa police poseur buyer ay agad silang inaresto ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P340,000, at buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 7-pirasong P1,000 boodle money at wallet.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.