December 20, 2024

Magkapatid kulong sa patalim, pagbabanta at hindi pagbayad ng gas sa Malabon

KULUNGAN ang kinabagsakan ng 44-anyos na tricycle driver at kanyang kapatid matapos makuhanan ng patalim, pagbantaan ang isang delivery rider at hindi pagbayad ng gas sa isang gasoline station sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek na sina Christopher Reyes, tricycle driver at Jason Reyes, 29, kapwa ng 335 Brgy. 71, Caloocan City.

 Sa imbestigasyon nina PSSg Bengie Nalogoc at PCpl Renz Marlon Baniqued, sakay ang mga suspek sa isang tricycle na nagtungo sa isang gas station sa M.H. Del Pilar Street, corner Governor Pascual Avenue, Barangay Tugatog para pakargahan ng gas ang naturang saksakyan dakong alas-9:30 ng gabi.

Gayunman, nang mapuno ng gas ang kanilang tricycle ay bigla na lamang tumakas ang mga suspek at hindi nagbayad sa cashier na naging dahilan upang habulin sila ng mga empleyado ng gas station.

Habang tumatakas, napagkamalan ng mga suspek ang isang delivery rider na si John Panlaque, 34, na binabagtas ang kahabaan ng M.H Del Pilar na isa sa mga empleyado ng gas station kaya naglabas ng patalim si Jason at pinagbantaan siyang papatayin.

Humingi ng si Panlaque ng tulong sa mga tauhan ng Sub-Station 2 na nagsasagawa ng check point sa M.H. Del Pilar, corner Inocencio, Barangay Tugatog kaya agad nagkasa ng hot pursuit operation ang mga pulis hanggang sa makorner ang mga suspek sa Sangandaan, Caloocan City.

Bukod sa nakuhang patalim, kinumpiska din ng mga pulis ang tricycle na gamit ng mga suspek bago dinala sila sa himpilan ng pulisya para sampahan ng kasong Swindling, Grave Threats, Resistance and Disobedience to a Person in Authority of the Agent of such Person at Illegal Possession of Bladed Weapon.