NAGKAKAISA sa pagtulong ang mga kabataang estudyante ng Guindaulan National High School upang makatulong sa kanilang sariling paraan para maayudahan ang kanilang 14 na pambatong atletang wrestlers na sasabak sa Eastern Visayas Region Athletic Association( EVRAA) na lalarga sa Abril 24-27.
Ikinasa ng mga konsernadong mag-aaral ng GNHS ang kanilang proyektong may temang ‘Walis Mo, Lakas Ko’ kung saan ay gumagawa sila ng mass production ng walis upang ibenta ng halagang P35 bawat isa.
“Kumakatok po kami sa inyong mga ginintuang puso upang masuportahan itong aming inisyatibo, ” panawagan ni Ms Joy Alcera- Department Head ng Guindaulan National High School.
Ang malilikom na pinagbentahan ng walis ay itutulong sa 14 na wrestling athletes na magti-training sa loob ng tatlong linggo para makipagtunggali sa EVRAA 2023 na kakatawanin ang kanilang paaralan at lugar kung saan kapag pinalad na mamayagpag sa regional meet ay tiket na ito para sa national na kaganapan sa Palarong Pambansa na sasambulat naman sa Marikina City ngayong tag-araw.
Mas maigi aniya kung madadagdagan pa ang halagang P35 bawat walis dahil sa malaking tulong ito sa kanilang mga pambatong atleta na nagpasiklab kamakailan sa qualifying event na Northern Samar Provincial Athletic Association meet. Kinopo ng kanilang pambato ang 14 na ginto at dalawang silver.
Optimistiko si Alcera na tutugon ang kanilang mga kababayan para sa natatanging adbokasiya sa kanilang atleta para sa bayan.
Tinagurian din ang naturang layunin na ‘Walis Tingting Para Sa Wrestling’.
Ang wrestling team ay binubuo nina (boys division) Paul S. Arlando,Noli Balicud,Albert Castillo,Patrick Jonas,Rico Ofilanda at Mark Lorenz Praga habang ang girls category ay kinabibilangan nina Jhana Escala, Alexa Nacinopa, Judina Gaddi, Marian Bido, Gabriella Llimpiado, Rhealyn Ferrer, Jessalyn Bandola at Princess Icy Castillo. Sina Coach Reden Castillo (boys) at Carlos Raffy Miranda ang girl’s coach.
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO