November 1, 2024

Sa paghahanda sa transport strike… VALENZUELA MAGDE-DEPLOY NG LIBRENG SAKAY

ILANG paghahanda sa posibleng abala sa mga commuter dulot ng inihayag na isang linggong transport strike ng iba’t ibang asosasyon ng mga jeepney driver sa March 6, ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pamumuno ni Mayor WES Gatchalian ay magpapakalat ng mga sasakyang “Libreng Sakay” upang magbigay ng transportasyon para sa mga pampublikong commuter.

Tinatayang 40,000 public utility vehicles (PUVs) ang nakatakdang makiisa sa protesta matapos na una nang ipahayag ng iba’t ibang transport group na ipagpapatuloy nila ang isang linggong transport strike sa Lunes sa kabila ng paglipat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa tradisyonal na jeepney phaseout sa Disyembre 31, 2023.

Nang marinig ang balita, nagpatawag ng pulong si Mayor WES kasama ang ilang Jeepney Operators and Drivers Association (JODA) na nakarehistro sa Lungsod.

Tiniyak ni Mayor WES na may magandang samahan ang lokal na pamahalaan at transport groups sa lungsod, upang magpatuloy ang operasyon sa lungsod sa kabila ng welga.

“Nais ko pong ipaalam sa publiko, sa aking mga mahal na kababayan na dito po sa Valenzuela City, maayos at nagkakaisa po ang inyong lokal na pamahalaan, ang mga iilang jeepney operators at drivers association natin. Kaya po makakaasa po ang ating mga kababayan na magkaroon man ng strike o hindi, patuloy pa rin po ang serbisyo, patuloy pa rin po ang pag-transport natin sa ating mga kababayan patungo sa kanilang pupuntahan sa trabaho man o sa paaralan man ay tuloy pa rin ang ating operasyon,” pahayag niya.

Dahil dito, magpapadala ang lokal na pamahalaan ng walong (8) Libreng Sakay truck sa apat (4) na pangunahing ruta sa lungsod; apat (4) na trak sa rutang MacArthur Highway Malanday hanggang Marulas, isang (1) trak para sa rutang Malanday hanggang Polo, dalawang (2) trak para sa rutang Malinta hanggang Novaliches, at isang (1) trak para sa rutang Polo hanggang Monumento.

Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si Mayor WES sa JODA) at iba’t ibang transport cooperatives dahil sa kanilang paninindigan na hindi sila lalahok sa nasabing protesta. Kaya naman, suportado nila ang jeepney modernization ng National Government.

Gayunpaman, upang maiwasan ang anumang gulo sa araw ng welga, isusulong ng lokal na pamahalaan ang plano nitong mag-deploy ng libreng sakay para sa mga nagtatrabahong sektor sa susunod na linggo.