November 18, 2024

‘DIWA NG EDSA PEOPLE POWER NANATILING BUHAY – SURVEY

Tinatayang 62% ng mga Pilipino na nasa tamang edad ang naniniwalang buhay pa rin ang diwa ng EDSA People Power sa bansa, ayon sa Social Weather Station (SWS) nitong Huwebes, Pebrero 23.

Sa isinagawang survey ng SWS mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas at may sample error margin na ±2.8%, nasa 57% naman umano ang nagsabi na mahalaga pa ring gunitain ang EDSA People Power Revolution, habang 42% ang nagsabing hindi na ito mahalagang gunitain.

Pagdating naman sa pinangako ng EDSA People Power Revolution, 47% ng mga respondente umano ang nagsabing iilan lamang ang natupad, habang nasa 28% naman daw ang naniniwalang wala o halos walang natupad sa mga nasabing pangako.

Samantala, 19% umano ang naniniwalang karamihan sa mga pinangako ng EDSA People Power Revolution ay natupad, habang 5% ang naniniwalang natupad ang lahat o halos lahat sa mga pinangako nito.

Ginugunita taon-taon ang EDSA Revolution tuwing Pebrero 25. Ito ay dahil Pebrero 25 ng taong 1986 nang magmartsa ang libo-libong mga Pilipino sa EDSA at tagumpay na napatalsik si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pwesto ng pagkapangulo. Pinalitan naman si Marcos ni dating Pangulong Corazon Aquino na sumumpa naman noong araw ding iyon.