December 24, 2024

RCEP ‘DI SAPAT; ROBIN PADILLA HUMIRIT NG CHA-CHA

HINDI mararamdaman ng taumbayan – lalo na ng mga magsasaka – ang benepisyo ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) kung hindi aayusin ang economic provisions ng Saligang Batas, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa Kapihan sa Manila Bay forum.

Ani Padilla, pinapayagan ng RCEP at katulad nitong international trade agreement ang pagpasok ng produkto galing sa ibayong dagat, nguni’t hindi makapasok ang puhunan galing sa ibang bansa dahil sa restriction ng kasalukuyang Saligang Batas.

“Kung binaha tayo ng produkto nila, bahain dapat tayo ng investment nila. Pinayagan natin sila magbaha ng produkto dito pero di kayo pwede mag-invest,” aniya..

“Paanong maging competitive tayo kung ang Constitution natin ay obsolete?” dagdag niya.

Nagpahayag din ng pangamba si Padilla na kung hindi maayos ang implementasyon ng RCEP, baka matulad ito sa implementasyon ng Rice Tariffication Law kung saan dumami pa ang importasyon ng bigas at nagpabagsak ng presyo ng palay.

Isinusulong ni Padilla ang pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas para payagan ang pagpasok ng foreign investment na higit sa 40% na pinapayagan ng 1987 Constitution. Sa kanyang Resolution of Both Houses No. 3, iminungkahi niya na gawin ito sa pamamagitan ng constituent assembly kung saan hiwalay boboto ang miyembro ng Senado at Kamara.

Balak niya bilang tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na gumawa ng public consultations sa Luzon, Visayas at Mindanao – kasama ang Baguio City, Cebu, at Davao City – simula Marso 2 sa Davao.

Nanindigan din si Padilla na pinakamainam na paraan sa pag-amyenda ng Saligang Batas ang constituent assembly kung saan hiwalay na boboto ang myembro ng Senado at Kamara.

“Ang constitutional convention, independent yan, hinahalal ng kababayan. Ang problema sa ngayon tulad ng sabi ni dating Chief Justice Puno, totoo ang sinabi niya – hindi natin control kung sino ang uupo. Baka mangyari diyan asawa ni congressman o pinsan ni senator o bata ni oligarch. Nag-aksaya tayo ng panahon, nag-aksaya tayo ng pera,” aniya. “Dapat ang Constitution natin pang-AI na. Dapat ang Constitution natin sumasabay tayo. Kasi ang nangyari ang Constitution natin masakit mang sabihin, nilumot. Kasi na-stuck eh. Parang tubig na stagnant. Dapat ang Constitution natin tuloy tuloy parang tubig na umaagos, sabay sabay tayo,” dagdag niya.