November 1, 2024

PITX, LTO NAGSAGAWA NG ROAD SAFETY AWARENESS SEMINAR SA 100 PUV OPERATORS, DRIVERS, DISPATCHERS AT CONDUCTORS

Nagsagawa ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at Land Transportation Office (LTO) ng libreng Road Safety Awareness Seminar sa pangalawang araw ng Pebrero ngayong taon, para sa 100 Public Utility Vehicle (PUV) operators, drivers, dispatchers, at conductors upang mapagsilbihan ng maayos  ang mga pasahero nito.

Sa pangangasiwa ni LTO Parañaque Licensing Center Chief Ella Bautista, sumentro ang seminar sa kahalagahan ng pagiging alerto sa kalsada, tiyakin na ang mga bus ay nasa maayos na kondisyon at para sa mga bus diver ay dapat iwasan ang paggamit ng droga upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.

Nagbigay rin ng mensahe si Jason Salvador, Corporate Affairs and Government Relations Head sa PITX, sa naturang seminar na dinaluhan ng iba’t ibang tauhan mula sa mga bus company na nag-o-operate sa nasabing terminal.

 “Layunin ng mga gawaing ito na magkaroon tayo ng disiplinado at responsableng drayber sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga tamang altituntunin patungkol sa batas-trapiko. Sa gayon, isang ligtas at mapayapang lansangan ang ating mararanasan sa daan na ligtas sa anumang sakuna,” saad niya.

“Nagpapasalamat kami sa LTO, lalo na sa LTO-PITX, para sa paglapit ng serbisyong ito sa mga mahal nating tsuper. Malaking bagay na nabigyan sila ng eksklusibong seminar ng ahensya, para sa ikabubuti ng ating mga pasahero.”