November 18, 2024

‘UNLI’ SMUGGLING NAKAGAGALIT, NAKAKALUNGKOT – IMEE

NABABAGABAG si Senadora Imee Marcos sa biglaang pagpapaliban ng House committee on agriculture and food sa imbestigasyon sa kontrobersyal na isyu ng smuggling sa bansa.

Ayon Kay Marcos, chairperson ng Senate committee on Cooperatives, nababagabag siya sa mga alegasyon patungkol sa smuggling, lalo na’t personal nyang nalaman ang mga paghihirap ng ating mga kababayang magsasaka.

Giit ng Senadora marapat lamang na mariing imbestigahan na ang akusasyon nang walang halong takot at pagpabor hanggang sa malaman natin ang buong katotohanan para sa mga magbubukid at sa ngalan ng katarungan.

“NAKAGAGALIT, NAKAKABAGABAG at NAKALULUNGKOT ang walang tigil na smuggling sa mga produktong agrikultura kaya dapat ituloy ang hearing. Kahit sinuman ang tamaan, dapat walang sasantuhin ang gobyerno,” gigil na pahayag ni Marcos.

“Wala na sanang postponements, nang sa gayon, matapos ang maraming taon ng paglusot at pagsalag, makulong na habambuhay ang mga kriminal, smugglers at mga walang malasakit na pasimuno nitong malawakang pagsasabotahe sa ating agrikultura!,” diin ni Marcos

Sa panig ng Senado, sinabi ni Marcos na itutuloy nila ang pagdinig hanggang hindi nakakasuhan at naipakukulong ang mga smuggler at kasabwat nila sa mga ahensya ng gobyerno.

Sa nakalipas na Senate hearing, tinukoy na ang mga pangalan ng bigtime smugglers pero walang ginawang aksyon ang Bureau of Customs.

Noong Jan. 23, pinaimbitahan naman ni Sultan Kudarat 2nd district Rep. Horacio Suansing Jr. ang sampung bigtime agri smugglers na sina Leah “Luz” Cruz, Manuel Tan, Jun Diamante, Andrew Chang, Michael Ma, Lujene Ang, Beverly Peres, Lucio Lim, Gerry Teves at alyas “Aaron”.

Pinasisipot ni Marcos sa susunod na hearing ng Senado si Bureau of Customs Commissioner Yogi Ruiz dahil sa ilang beses na pang-iisnab nito.