Gumuho na ang mass base ng komunistang terorista sa Bulacan matapos magbalik-loob ang 83 supporters ng communist party sa isang seremonya na idinaos sa Malolos City noong Huwebes.
Pinangunahan ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang naturang event na sinaksihan ng matataas na opisyal ng militar at kapulisan mula sa Central Luzon at Southern Tagalog gayundin ng mga municipal mayor at NTF ELCAC representatives.
Ayon kay Lt. Col. Rimrad Feraer, Commanding Officer ng 80th Infantry Battalion, ang karamihan sa mga dating rebelde ay mga katutubo na pinagbantaan at pinilit para suportahan ang teroristang NPA na kumikilos sa boundary ng Region 3, 4 at NCR.
Sinabi naman ni Brigadier General Alex Rillera, Commander ng 202nd Infantry Brigade, na ang Norzagaray ay isang Joint Focus Area ng ating kasundaluhan ng 2nd Infantry Division at 7th Infantry Division magmula nang mag-operate ang mga kalaban sa nasabing lugar upang makaiwas sa ating tropa sa pamamagitan ng pagpalipat-lipat ng rehiyon.
Kaya dahil sa malupitang diskarteng ito ay napasuko nila ang ilang miyembro ng NPA sa tulong na rin ng pakikipag-koordinasyon mula sa mga kalapit na yunit ng ARMY at PNP. Klap, klap, klap!
Binati naman ng Provincial Director ng Bulacan Police na si Police Colonel Lawrence Cajipe ang mga dating rebelde dahil sa pagpili nito ng landas patungo sa kapayapaan at talikuran ang naturang kilusan ng teroristang grupo. Tiniyak niya rin na ang ating kapulisan at kasundaluhan ay parating nariyan upang tulungan ang mga sumukong rebelde para sa susunod na yugto ng kanilang buhay.
Pinuri naman ni Major General Arnulfo Marcelo Burgos Jr., Commander ng Philippine Army’s 2nd Infantry Division, ang mga puwersang pangseguridad ng gobyerno dahil sa kanilang abilidad na lampasan ang hangganan at harapin ang mga kaaway ng estado para pabagsakin ang mga ito at hindi na makabangon.
Tiyak na masaya ngayon ang mga tao sa ating kasundaluhan dahil natalo nila ang NPA na walang pumuputok na baril.
Higit pang handa sila ngayon na i-depoy ang kanilang assets at mga sundalo para mawakasan na ang pag-aalsa na humahadlang sa pag-unlad ng ating bansa upang ang ating mamamayan ay mabuhay nang payapa na nararapat lamang sa mga mamamayang Filipino.
Nanawagan din si Maj. Gen. Burgos sa mga natitirang NPA terrorists na isuko na ang kanilang armas at sumunod na sa tamang landas habang may panahon pa dahil magdadagdag pa sila ng karagdagang mga sundalo upang pabagsakin ang mga ito at wakasan ang inyong pagiging terorista.
Sa naging talumpati naman ni Gov. Fernando, nagpahayag siya ng pasasalamat kay Pangulong Duterte dahil sa pagsusumikap nito na wakasan ang lokal na armadong komunista na malaking banta sa buong bansa, kaya naniniwala ang naturang mama na ang tunay na progreso at pag-unlad ay maari na nating makamit.
Tama lamang aniya ang naging desisyon ng pagsuko upang mabuhay sila nang walang kinakatakutan, mabuhay na kasama ang pamilya at mabuhay nang may kapayapaan kasama ang ating Panginoon.
Matapos ang seremonya, iniabot ni Gov. Fernando ang cash assistance sa mga sumuko.
Pinangasiwaan din niya ang panunumpa ng mga nagbabalik-loob na siyang naging wakas ng nasabing event.
Umaasa tayo na magtuloy-tuloy na ang pagsuko ng mga nalalabing teroristang grupo para sa kapayapaan ng lahat.
Mabuhay po ang ating mga militar!
More Stories
PAGPASA NG P3.5 BILYONG BUDGET NG MARIKINA, NAAYON BA?
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE