TIMBOG ang isang Canadian national makaraang tangkaing umalis ng bansa gamit ang pekeng Philippine passport.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang dinakip na 49-anyos na dayuhan ay pansamantalang pinangalanan habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.
Base sa ulat ni Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) acting head Ann Camille Mina, ang nasabing dayuhan ay tinangkang umalis ng bansa patungong Taiwan sakay ng Eva Air flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Nabatid na bago ang pagkakaaresto sa dayuhan, nagpakita ito ng Philippine passport na nagkuwang Filipino subalit nang kausapin ay hindi makapagsalita ng Tagalog o ng anumang lokal na lengguwahe.
Sa beripikasyon sa BI’s database, natuklasan na ang dayuhan ay may mga biyahe sa Pilipinas gamit ang Canadian at Hong Kong passport, at may hawak ng permanent residence visa.
Sa imbestigasyon ay inamin ng dayuhan na ang abogado nito ang nagsaayos ng birth certificate nito para sa aplikasyon ng pasaporte.
Pinaghihinalaan ng BI na ang pasaporte at birth certificate nito ay pawang peke.
Isinailalim sa inquest proceedings ng BI Legal Division ang dayuhan at kinasuhan ng paglabag sa Philippine Immigration Act.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA