November 1, 2024

BOC WINASAK P1.7-M HALAGA NG UNSAFE GOODS

SINIRA ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang P1.7 milyon na halaga ng abandonado at expired goods na nakumpiska makaraang mabigo na makakuha ng kinakailangang clearance sa isang pasilidad sa Trece Martires City, Cavite.

Winasak ng BOC-NAIA, sa ilalim ng pangangasiwa ng Auction and Cargo Disposal Division (ACDD) ng Port, ang mga kontrabando gamit ang Thermal Decomposer (Pyrolysis) Facility ng Integrated Waste Management Inc. (IWMI).

Ang ginawang pagsira sa mga nakumpiskang gamot ay bahagi ng inisyatibo ng BOC hinggil sa ginagawa nilang pagbibigay proteksyon sa border ng bansa upang maprotektahan ang publiko laban sa hindi ligtas na mga produkto.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni District Collector Carmelita Talusan na bukod sa pagpigil sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na produkto, ang pagwasak sa mga hindi ligtas at expired na mga produkto ay mahalaga din upang ma-decongest ang mga customs warehouses upang magbigay ng sapat na espasyo para sa pagdating ng iba pang kargamento.