November 25, 2024

KABATAAN, ANO ANG IYONG TUNGKULIN?

Ang pagliligpit ng iyong higaan sa paumpisa ng iyong araw, at pagdarasal sa gabi bago ka matulog ay ilan lamang sa mga gawain na kinakategorya natin bilang ating mga tungkulin.

Tila maliit na bagay lamang ang mga ito subalit dito nag-uumpisa at natatapos ang ating kada araw na bagaman hindi natin namamalayan ay puno-puno ng tungkulin na isa-isa nating isinakakatuparan.

Ngunit ano nga ba ang “TUNGKULIN” at ano ang tungkulin mo sa iyong tahanan at pamayanan bilang isang kabataan.

Ang “tungkulin” ay ang mga bagay na inaasahang magagawa o maisasakatuparan ng isang tao.

Dito masasalamin kung anong klase ng pagkatao mayroon ang isang indibidwal sa paraan niya ng pagganap sa kanyang tungkulin. Maaring ito ay positibo o negatibo.

Maraming nasasaklaw ang tungkulin ng bawat isa sa atin. Ilan na rito ay ang tungkulin natin sa ating sarili, sa ating pamilya, sa paaralan at sa pamayanan na ginagalawan natin.

Hindi man natin namumutawi subalit malaki ang tungkulin nating mga kabataan na dapat gampanan partikular sa ating pamayanan.

Kung ating maaalala, mayroong sinabi noon ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na “Ang kabataan ang pag-asa ng Bayan”.

Malinaw na sinasabi rito na mayroong inaasahan sa ating mga kabataan ang ating inang bayan.

Marahil ay masyadong mabigat ang terminolohiyang ito subalit ito ay totoo sapagkat tayong mga kabataan ay hinuhubog sa iba’t ibang larangan upang siya nating magamit sa ating kinabukasan. Mapa ito man ay sa larangang pang personal, sosyal, akademiko at iba pa.

Bilang kabataan, tungkulin natin na maging mabuting ehemplo sa mga mas nakababata sa atin. Tungkulin din natin na magbigay galang sa nakatatanda sa ating komunidad lalo’t higit sa ating mga magulang at guro.  Tungkulin din nating makilahok sa mga gawain at usaping pampamayanan hangga’t ito ay angkop sa ating kaalaman at kapasidad. At bilang kabataan, tungkulin natin na alagaan at protektahan ang ating mga sarili at ating mga pangarap upang ang mga pangarap na ito ay maging totoo at makatulong sa pag-unlad ng ating bayan sa oras na tayo na ang ang mismong nagpapatakbo at nagpapaunlad ng ating lipunan.

Kaya ikaw na isang kabataan, palaging gumawa ng mabuti at maging huwaran ng iyong kapwa. Parating magpalaganap ng kabutihan sapagkat ito ang susi para sa maunlad at mapayapang pamayanan. Palaging tandaan na ikaw ay nagsisilbing pag-asa ng ating lipunan.

Kaya’t habang bata ka pa, parati mong alalahanin ang iyong mga tungkulin at kung papaano mo ito gagampanan ay dapat may kaakibat na kabutihan at pagmamahal para sa iyong kapwa at sa iyong bayan. (HUKBONG HIMAPAPAWID NG PILIPINAS)