September 20, 2024

Drug suspect arestado sa P.5 milyon shabu sa Caloocan

BAGSAK sa kulungan ang isang hinihinalang tulak ng illegal na droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.5 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation sa Caloocan City.

Pinuri ni Norhern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr, ang Caloocan police sa pamumuno ni P/Col. Ruben Lacuesta sa kanilang masigasig na kampanya kontra illegal drugs na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si Blue Esperas, 23 ng No. 86 Kapayapaan St., Brgy. 150.

Ayon kay Col. Lacuesta, dakong alas-5:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Major Dennis Odtuhan, kasama ang 3rd MFC RMFB-NCRPO ng buy bust operation sa Moises St., Brgy. 150 matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng suspek.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P12,500 halaga ng droga at nang tanggapin nito ang marked money mula sa police poseur-buyer kapalit ng medium plastic sachet ng umano’y shabu ay agad dinamba ng mga operatiba si Esperas.

Nakumpiska sa suspek ang dalawang knot-tied medium transparent plastic at isang medium plastic sachet na naglalaman ng humigi’t kumulang 81 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P556,240.00 at buy bust money na isang P500 bill at 12 pirasong P1,000 boodle money.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5 & Sec. 11 Art. II of R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).