November 24, 2024

IRR NG BATAS VS CHILD MARRIAGE PORMAL NANG NILAGDAAN

Opisyal nang nilagdaan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng Republic Act (RA) 11596, na mas kilala sa Anti-Child Marriage Law.

Matatandaan na noong Disyembre 2021, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11596 o “Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties for Violations Thereof” na naglalayong protektahan ang mga bata mula sa pang-aabuso at hindi kanais-nais na responsibilidad.

Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang IRR kasama ang iba pang ahensya at tagapagtaguyod kabilang ang Commission on Human Rights, Department of Justice, United Nations Population Fund, at Oxfam Philippines.

Sa ilalim ng batas, maaaring makulong ng hanggang 10 taon at magbabayad ng penalty na hindi bababa sa 40,000 pesos ang sinumang mangangasiwa ng kasal ng isang menor de edad.

Ang parusa ay tataas ng hanggang 12 taong pagkakakulong at hindi bababa sa P50,000 kung malalaman na ang lumabag ay magulang o tagapag-alaga ng bata at kapareho ng parusa para sa taong nagsasagawa o  nangasiwa ng child marriage.

Batay sa ulat ng UNICEF noong 2020, 12 milyong babae ang ikinasal bawat taon.

Dito sa Pilipinas, ang child marriage ay kadalasang matatagpuan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.