November 24, 2024

MEPS WAGI VS BTI; KAMPANYA VS ‘PIRATA’ PINAIGTING NG NBI

NATUTUWA tayo sa kampanyang inilunsad ngayon ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) laban sa malakas ang loob na kompanya  at patuloy na nagpapakalat ng iba’t ibang klase ng pekeng produkto.

Kamakailan nga lang ay kinatigan ng Arbitral Tribunal ang isinampang reklamo ng Manila Express Payments Systems (MEPS) sa umano’y pangongopya ng BTI Payments Philippines, Inc. (BTI)  sa kanilang modelong kiosk machines.

Batay sa hatol, inatasan ng arbitral tribunal ang inakusahang BTI na bayaran ng milyong-milyong piso ang MEPS. Araykupo!

Iginawad ang nasabing arbitral award ng Philippine Dispute Resolution Center Inc. (PDRCI) noong Nobyembre 4, 2022.

Batay sa desisyon, napatunayan ng arbitral court na lumabag sa intellectual property law ang BTI sa umano’y pakikipagsabwatan sa Electronic Transfer & Advance Processing Inc (E-TAP).

Kung hindi tayo nagkakamali, nag-ugat ang arbitration case na ito matapos ang ilang serye ng pagsakalay ng NBI-IPRD laban sa BTI noong Hulyo 2020 at Marso 2021 nang maglabas ng search warrants sina Judge Reinalda Estacio-Montesa ng Regional Trial Court, Branch 46, Maynila at Judge Elma Rafallo-Lingan ng RTC, Branch 159, Pasig na may kinalaman sa kasong ito.

Nasabat sa mga naganap na operasyon ng NBI-IPRD ang ilang kiosk machines na nagtataglay ng pangalang “Pay & Go” na may kaparehong flow system at utility model ng TouchPay na pag-aari at pinatatakbo ng MEPS.

Binanggit pa sa hatol na dahil nakarehistro ang utility model ng MEPS sa Intellectual Property Office (IPO), malinaw umano na may paglabag ang akusado. Napag-alaman naman na ang “Pay&Go” kiosk machines ay gawa ng E-TAP na pina-deploy ng BTI.

Maliban sa E-TAP na siyang gumawa raw ng “Pay & Go” kiosk machines, sabit din sa reklamo ang ilang opisyal ng BTI na sina Peter Alexander Blacket, David Scott Glen, Danilo Ibarra, Neil Sison at Alina Sison dahil sila raw ang nagbigay ng “go signal” para mailabas ang mga nasabing makina.

Mga ka-Berdugo, ang pamemeke ay isang uri ng pagnanakaw hindi lang sa kompanyang gumagawa ng pinepekeng produkto kundi sa kabuuan ng ekonomiya ng bansa.

Kaya naman talagang puspusan ang kampanya ng NBI-IPRD base sa instruction ni NBI Director Medardo de Lemos laban sa mga namimiratang kompanya.

Mabuhay po kayo!