December 21, 2024

BOC: 2-K ABANDONADONG BALIKBAYAN BOXES MAIDE-DELIVER BAGO MAG-PASKO

NAKATAKDANG i-deliver ng Bureau of Customs (BOC) ang natitirang mahigit kumulang 2,000 abandonadong balikbayan boxes sa isang warehouse sa Bulacan bago mag-Pasko.

Ayon kay BOC spokesperson Arnaldo dela Torre Jr., sisimulan nila ang free delivery ng balikbayan boxes sa naturang lalawigan ngayong linggo.

“‘Yun ang pinipilit at pinagdadasal natin na…mai-deliver ito bago mag-Pasko. Mahigit kumulang na lang naman na mga 2,000 balikbayan boxes na natitira dito sa Balagtas, Bulacan,” saad niya.

Una rito, nagkaroon ng tensiyon sa Bulacan warehouse, na nagresulta sa hindi malinaw na direksyon sa pag-release ng 4,600 balikbayan boxes matapos ang ilang buwan na delay. Ang nasabong mga packages ay nanggaling sa Middle East na sinasabing inabandona ng foreign courier services sa BOC.

Sa kasalukuyan, sinabi ni dela Torre na patuloy pa rin collection ng packages ng mga intended recipient sa warehouse.

Aniya, sa mga nais na personal na makuha ang kanilang packages ay kinakailangan na magdala ng authorization letter, valid ID, at kopya ng passport ng nagpadala.

Muling iginiit ni Dela Torre na nakikipag-ugnayan sila sa Department of Migrant Workers (DMW) para panagutin ang mga consolidators o freight forwarding entities na nag-abandona sa mga balikbayan boxes sa BOC. Ngayong Monday, bukas, magkakaroon ng pagpupulong uli ang ating legal team para sa pagpa-finalize ng mga dokumento para maasikaso na ang pagsasampa ng kaso,” sambit niya.