November 1, 2024

Lalaki arestado sa baril sa Caloocan

Bagsak sa kulungan ang isang 46-anyos na lalaki matapos makuhanan ng baril makaraan ang ipinatupad na search warrant ng pulisya laban sa kanya sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek bilang si Christopher Espayos alyas “Pher-Pher”, 46 ng Brgy. 186, Tala ng lungsod.

Sa report ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Intelligence Section (IS) ng Caloocan police na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang suspek.

Kaagad nagsagawa ng joint operation ang mga operatiba ng IS sa pangunguna ni P/Major John David Chua, kasama ang 4th MFC-RMFB NCRPO at Northern NCR Maritime Police Station saka ipinatupad ang isang search warrant na inisyu ni Executive Judge Raymundo G. Vallega ng Regional Trial Court (RTC) Branch 130 para sa paglabag sa Section 28 of R.A. 10591 (Comprehensive law on firearms and ammunition) sa bahay ng suspek sa Saint Martha St., Barracks II, Barangay 186, Tala, Caloocan City dakong alas-2:20 ng madaling araw.

Dito, nasamsam ng mga operatiba ang isang cal. 38 revolver na may tatlong bala na naging dahilan upang arestuhin nila ang suspek matapos walang maipakitang kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng naturang baril.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive law on firearms and ammunition).