December 27, 2024

Pekeng abogado timbog sa entrapment operation

TIMBOG sa ikinasang operasyon ang isang babaeng nagpapanggap umano na abogado matapos kikilan ng pera ang isang LGBT member sa Bacolod City kahapon.

Kinilala ni Capt. Rondyl Tapang, hepe ng Police Station 9, ang suspek na si Jonelly Lacson, 41 ng Barangay Sum-ag.

Ang suspek ay miyembro ng National Anti-Crime & Community-Service Group Organization (NACGO) Force Multiplier.

Ayon kay Tapang, nagkakilala si Lacson at ang biktima sa isang salon, kung saan nagtatrabaho ang huli.

Noong Hulyo, hiningan umano ni Lacson ang biktima ng P5,000 upang tulungan ang boyfriend ng huli na makalaya sa kulungan matapos maaresto dahil sa illegal na droga.

Gayunpaman, P1,000 lang ang ibinigay ng biktima sa suspek, hanggang umabot na ang kanilang usapin sa social media.

Ayon pa kay Tapang, nitong Oktubre ay humirit pa umano ang suspek ng P30,000 sa biktima para mapabilis ang paglaya ng kanyang boyfriend.

Marami pang binabanggit na pangalan ang suspek para mapaniwala ang biktima na siya ay isang abogado, ayon kay Tapang.

Dahil dito humingi na ng tulong ang biktima sa pulisya dahilan para maaresto ang suspek.

Matapos ang pagkakaaresto kay Lacson, lumutang ang tatlo pang katao sa police station na sinasabing biktima rin sila ni Lacson.

Nahaharap si Lacson sa kasong estafa, coercion, extortion at usurpation of official function.