November 1, 2024

11 PULIS SINIBAK SA MISSING SABUNGERO

IPINAG-UTOS ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Jonnel Estomo ang pagsibak sa 11 pulis na kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Estomo, kailangan tanggalin sa puwesto ang 11 pulis na nakatalaga sa NCRPO dahil sa bigat ng kanilang kaso.

Dagdag pa nito na isinailalim na ang mga ito sa restrictive custody.

“We in the NCRPO guarantee that we will never tolerate any form of flagrant violation of human rights, law and order,” saad ni Estomo.

Kinilala niya ang mga sinibak na sina dating NCRPO Regional Drug Enforcement Unit chief Police Lt. Col. Ryan Orapa; Police Lt. Jesus Menez; Police Staff Sgts. Ronald Lanaria, Ronald Montibon, Troy Paragas, Roy Pioquinito, Robert Raz Jr; and, Police Corporals Christal Rosita, Denar Roda, Alric Natividad at Ruscel Solomon.

Kinasuhan sila ng NBI ng kidnapping at serious illegal detention at paglabag sa Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero sa Cavite.