November 2, 2024

Rider na walang helmet, kalaboso sa baril sa Valenzuela

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang lalaki matapos matapos mabisto ang dala niyang baril makaraang hulihin ng mga pulis dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang motorsiklo sa Valenzuela City.

Ayon kay Sub-Station 7 (Barangay Bignay) commander PCpt Arnold San Juan, nagsasagawa ng “Oplan Galugad” sina PSSg Randel Iwarat at PSSg Getry Dayao nang hulihin nila si Mardonio Dequito, 49, dahil walang suot na helmet habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Casarival St., Northville 1, Brgy. Bignay.

Habang hinuhuli, napansin ni PSSg Iwarat ang puluhan ng isang baril na nakausli mula sa kalahating bukas na sling bag ng suspek at nang hanapan siya ng mga kaukulang dokumento sa naturang baril ay wala siyang maipakita.

Nakumpiska sa suspek ang isang caliber 45 pistol Armscor na may tampered serial number, 25 pirasong bala at dalawang magazines.

Ayon kay PCol Salvador Destura Jr, hepe ng Valenzuela City police, sa kanilang pag-imbestigas, inamin ni Dequito na plano niyang gamitin ang naturang baril sa kanyang kliyente na hindi nakapagbayad sa kanya ng ilegal na droga.

Nahaharap si Dequito sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Law at inisyuhan din siya ng ordinance violation receipts para sa paglabag sa no helmet at no driver’s license.