November 2, 2024

Nag-amok na lalaki binoga ng parak, sugatan

SUGATAN ang isang mister na nag-amok habang armado ng patalim matapos barilin ng rumespondeng pulis makaraang undayan siya ng suspek ng saksak sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Ginagamot sa Ospital ng Malabon sanhi ng tama ng bala sa kanyang mga paa ang suspek na si Sueno Carlito Alarcon, 56 ng Sitio Coral, Matictic, Norzagaray, Bulacan na nahaharap sa kasong Attempted Homicide, Direct Assault at BP 6.

Sa report nina PSSg Michael Oben at PCpl Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong ala-1:30 ng hapon nang may humingi ng tulong kay Pat Allan Losa Roquite, nakatalaga sa Camp Crame Quezon City at residente ng 27 Gulayan St. Brgy. Concepcion, dahil nanggugulo ang suspek at nananaksak ng mga indibidwal sa Sitio Gulayan kung saan isang residente sa lugar na si Mark Lester Caling, 35, ang sugatan.

Kaagad namang rumesponde si Pat Roquite at nakita niya ang suspek na armado ng patalim kaya inutusan niya itong sumuko subalit, sa halip na makinig ay bigla na lamang sinugod at inundayan ng ilang saksak ni Alarcon ang pulis na nagawa namang makailag.

Para maprotektahan ang kanyang sarili, binunot ni Pat Roquite ang kanyang service firearm at pinaputukan sa paa ang suspek para mapigilan ito bago humingi ng tulong ang pulis upang madala sa pinakamalapit na hospital si Alarcon.

Isinugod ang suspek ng ambulansya ng Malabon NDRRMO sa Valenzuela Medical Center at kalaunan ay inilipat sa nasabing hospital habang narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang kitchen knife at dalawang basyo ng bala at isang deformed bullet ng cal. 9mm.