November 24, 2024

5 arestado sa pot-session sa Valenzuela

ARESTADO ang limang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang bebot matapos mahuli sa akto ng mga pulis na nagpa-pot-session sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni PLT Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police ang naarestong mga suspek bilang sina Nestor Alvarez, 27, Jessie Antipolo, 34, Jesie Mansalay, 34, Josie Santos, 22 at Reymart De Jesus, 30, pawang mga residente ng lungsod.

Sa isinumiteng report ni PCpl Glenn De Chavez kay Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng SDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Madregalejo ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na illegal drug activity sa No. 451 Bagong Nayon, Brgy. Bagbaguin.

Kaagad nagsagawa ng validation ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PSSg Robbie Vasquez at pagdating ng mga ito sa naturang lugar dakong alas-2:20 ng madaling araw ay naaktuhan nila ang mga suspek na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang bahay.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang arestuhin sila ng mga pulis at nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 7 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P47,600.00, P300 recovered money, 4 cellphones, gunting, maliit na hard case at mga drug paraphernalias.

Kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Section 15 (Use of illegal Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia) under Art II of RA 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office.