November 24, 2024

10K PULIS IPAPAKALAT NG NCRPO SA UNDAS

Nagbayanihan ang mga pulis sa pag-ayos ng rolling police outpost sa Aseana Business Park sa Parañaque City habang iniinspeksiyon nina NCRPO Spokeman P/LTC Dexter Versola at PIO P/MAJ Anthony Alising kung pulido ang pagkagawa ng nasabing outpost na ipapakalat sa buong Metro Manila. (Danny Ecito)

AABOT sa sampung libo na pulis ang ipapakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) upang matiyak ang kaligtasan para sa paggunita ng mga namayapang mahal sa buhay o obserbasyon sa Araw ng Undas.

Sinabi ni NCRPO spokesman P/LTC Dexter Versola, magsisimula ang full deployment ng pulis sa Metro Manila sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.

Paiigtingin ang pagbabantay sa mga sementeryo, sa mga terminal, pantalan, paliparan, pamilihan gaya sa Dimasalang sa Maynila kung saan dadagsain ng bibili ng bulaklak at Divisoria, Baclaran at Quiapo na kilalang bilihan ng kandila at iba pang estratehikong lugar dahil inaasahan ang dagsang mga tao.

May ugnayan na rin ang NCRPO sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection  at local government units na magsisilbi bilang force multipliers upang matiyak ang maximum security.

Mahigpit na babantayan ngayon Undas ng mga tauhan ng NCRPO ang mahigit isang daang (113) sementeryo at columbarium sa Metro Manila.

Bukod dito ipapakalat din ng NCRPO ang mga rolling police outpost sa mga sementeryo sa kalakhang Maynila upang mas madaling lapitan at makita ang pulis kapag kinakailangan.