November 24, 2024

Wanted na traffic enforcer sa Navotas, isinelda

SWAK sa kulungan ang isang traffic enforcer matapos arestuhin ng mga awtoridad sa bisa ng isang warrant of arrest sa isinagawang One Time Big Time (OTBT) operation sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong akusado bilang si Jaidelito Robles, 45, traffic enforcer at residente Blk 18 Lot 61 Phase 2 Kapalaran 1, Brgy. San Roque, Navotas City.

Ayon kay Col. Ollaging, nagsagawa ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at Sub-Station 3 ng Navotas police ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Robles dakong alas-2:15 ng hapon sa kahabaan ng M. Naval St., cor. P. Gabriel St., Brgy. Sipac-Almacen, Navotas City habang siya nasa kanyang trabaho bilang traffic enforcer.

Si Robles ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Emmanuel D. Laurea ng Regional Trial Court (RTC) Branch 169, Malabon City para sa kasong paglabag sa Section 5 (B) of RA 7610.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Navotas City Police ang akusado habang hinihintay ang issuance ng kanyang Commitment Order.