November 24, 2024

112,285 TRABAHO SA P235-B INVESTMENT RESULTA SA US TRIP NI MARCOS

AABOT sa halos $4 bilyon o nasa P235 bilyon ang halaga ng nilagdaang business agreements sa pagitan ng United States at Filipinas.

Ayon sa Palasyo, ang nasabing mga kasunduan ay magreresulta sa pagkakaroon ng 112,285 trabaho sa Filipinas.

Ang mga investments ay magmumula sa iba’t ibang sektor gaya ng Information Technology and Business Process Management (IT-BPM), data centers, at manufacturing.

Pero nilinaw ng Palasyo na ang mga estimate ay hindi sumasalamin sa “full potential of future investments” mula sa ilang kompanya na nakausap ng Pangulo at ng Department of Trade Industry (DTI) habang nasa New York.

Sinabi nito na “some companies had expressed interest in considering new or further investments in the country, but their plans have yet to be firmed up.”

Noong nakaraang linggo, lumipad si Pangulong Marcos patungong New York para dumalo sa 77th United Nations General Assembly (UNGA) at working visit.

Bukod sa pagdalo sa UNGA, nakipagpulong din ang Pangulo sa iba’t ibang world leaders at matataas na opisyal ng ilang kompanya na nakabase sa Estados Unidos.