November 23, 2024

KBA STARS SEMIFINALIST NA NG 1 UNITED BASEBALL C’SHIP

NAIPAGPAG ng KBA Stars ang tangkang paghabol ng UP Maroons upang itakas ang 5-2 panalo sa kanilang quarterfinal match at mahablot ang tiket sa semifinals ng 1 United Baseball Championship nitong nakaraang weekend sa Sto. Niño Ballpark, Marikina City.

Binasag ng Katayama Baseball Academy team ni Japanese national, Philippine-based Keiji Katayama ang unang dalawang scoreless innings matapos na umiskor ng tatlong runs ang Star’s slugger via 3-run- homerun sa itaas ng  3rd inning.

Nakuhang pasukan ng dalawang sunod na runs ng University of the Philippines’ batters nang halatang humupa ang momentum kay KBA starting pitcher Lesmar Ventura sa bottom 6th, 2-3 with 2 outs.

Doon na nagdesisyon si playing team owner/head coach Katayama na palitan sa mound ni pitcher Arvin Herrera si Ventura.

Naimpit ang napipintong pagdurugo ng KBA matapos na ma-struckout ni Herrera ang Maroon batter at napigil ang tying run na nasa 3rd base.

Muling kumutitap ang Stars sa top 8th  nang humataw si Herrera ng RBI (run-batted-In) double na nagpaangat muli sa tropang Keiji, 5-2 na siyang naging winning score na tinampukan pa ng perfect catch ni infielder Juan Alvaro Macasaet para sa bottom 9th shutout ng tropang Diliman.

“Nakundisyon at timing ang ating pukol kaya napigil ang mainit na paghabol ng UP. It’s a team effort, we are all determined to barge into the next stage,” sambit ni Herrera na nagpugay sa kanyang ka-tropang Stars na sina Raymond Nerosa, Kyle Rodrigo Villapana, Ignacio Escaño, Erwin Bosito, Juan Diego Lozano, Ventura at Macasaet.  

“Just play ball, reach our goal, enjoy our next game ahead and have fun,” wika ni Katayama na pinuri ang kanyang deputy coaches na sina Joseph Orillana, Jonnard Pareja at Gary Ejercito.