December 25, 2024

DOJ, magsasampa ng bagong proscription case laban sa CPP-NPA 

HINDI na motion for reconsideration ang isasampa ng Department of Justice sa korte bagkus maghahain na lamang ito ng panibagong proscription case laban sa Communist Party of the Philippines New Peoples Army. 

Sinabi ni DOJ Spokesman Mico Clavano, ang naturang proscription case ay base sa isinasaad ng Anti Terrorism Act. 

Kahapon, sinabi ni Justice Sec. Crispin Remulla, maghahain sila ng Motion for Reconsideration at Petition for Certiorari sa ilalim ng Rule 65 ng Rules of Court ngunit hindi na ito itutuloy ng pamahalaan. 

Paliwanag ng DOJ, ang desisyon ng Manila RTC Branch 19 kahapon ay base sa isinasaad ng Human Security Act ngunit ang batas na ito ay nagtapos na matapos maisabatas ang Anti Terrorism Act. 

Sa ilalim ng Anti Terrorism Act, isasampa ang proscription case sa Court of Appeals dahil ito ang may jurisdiction ng anumang kaso na may kinalaman sa terorismo. 

Ang proscription case ay isang uri ng kahilingan ng gobyerno sa korte upang ideklarang terorista ang isang grupo o indibidwal na gumagamit ng dahas, Armas o anumang pagkilos para pabagsakin ang gobyerno. 

Umaasa ang DOJ na sa bagong proscription case na isasampa nila ay papaburan sila ng Court of Appeals para ideklarang terorista ang CPP-NPA.