November 24, 2024

ENGR. BAYANGOT NAHABLOT ANG TITULO SA NAT’L. EXECS CHESS  C’SHIP NCR NG PECA

NAHABLOT ni Arjie Bayangot ang kampeonato ng isinulong na 2022 National Executive Chess Championship NCR leg nitong nakaraang weekend sa Robinson’s Magnolia sa New Manila, Quezon City.

Ang 39- anyos na executive woodpusher mula Santa Rosa, Laguna ay magiting na inungusan ang namamayagpag nang si Freddie Talaboc ng Artha Land Corporation kung saan ay draw na lang ang kailangan nito para tanghaling supremo ng torneong inorganisa ng Philippine Executive Chess Association ( PECA)sa timon ni  President Dr.Fred Paez.

Naiuwi ni Bayangot ang taginting na top purse  at eleganteng tropeo bilang kampeon habang dumausdos sa pang-apat na puwesto si Talaboc na naapektuhan ng time pressure sa last round kontra Bayangot.

Umangat sa segunda ang 66 anyos na si IM Efren Bagamasbad habang tumersera naman si John Ernie Maraan.

Si PECA pioneer Cliburn Anthony Orbe  ng Human Settlements Adjudication Commission ay nakuntento sa pang-pitong puwesto.

Mula Marinduque ay dumayo para lumahok ang chess enthusiasts na sina Engr .Lauro Bautista at   government contractor Giovanni Buhain – founders ng Boac Chess Knight League na tumapos ng respektableng kampanya sa naturang torneo kasabay na rin ng pag-promote ng nakatakda nang Ist Governor’s Cup Chess Tournament sa Boac,Marinduque.

“Very smooth pero exciting bawat round ng competition at heavy ang turnout na expected naman natin. Hats off sa lahat ng partisipante na welcome na sa pampinaleng PECA grand champioship sa Disyembre,’ wika ni Dr.Paez kasabay ng pasasalamat sa nagtaguyod ding Robinson’s Magnolia.