December 25, 2024

5 isinelda sa sugal, granada, patalim at baril sa Malabon

BAGSAK sa kulungan ang limang katao matapos makuhanan ng granada, baril at patalim makaraang maaresto sa isinagawang anti-illegal gambling operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek bilang sina Ferdinand Santos, 53, Rommel Balachica, 31, Mark Anthony Gibone, 23, Marjohn Dela Cruz, 26 at Emilio Santos, 35, pawang residente ng Brgy. Potrero.

Sa imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Diego Ngippol, nakatanggap ang mga operatiba ng Intelligence Section ng Malabon police ng impormasyon mula sa Barangay Information Network (BIN) hinggil sa nagaganap na ilegal na sugal na cara y cruz sa Chico Road, Brgy. Potrero.

Kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng Intelligence Section sa pangunguna ni PEMS Jerome Peralta, kasama ang Sub-Station 1 ng anti-illegal gambling operation in relation to SAFE NCRPO na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-4:30 ng madaling araw.

Nakumpiska ng mga pulis ang tatlong pirasong peso-coins na gamit bilang pangara at P1,000 bet money habang nang kapkapan ang mga suspek ay nakuha kay Emilio ang isang granada at isang cal. 38 revolver na may limang bala samantalang nakumpiska naman kay Gibone ang isang balisong.

Nahaharap ng mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 as amended by RA 9287 habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9516 ang kakaharapin ni Emilio samantalang karagdagang kasong paglabag naman sa BP6 ang kakaharapin ni Gibone.