December 26, 2024

Modernisasyon sa BI prayoridad ni Tansingco

MAYNILA – Mainit ang naging pagtanggap ng Bureau of Immigration nitong Huwebes kay Norman G. Tansingco bilang bagong Commissioner nito.

Si Tansingco ay nanumpa sa tanggapan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla noong umaga ng nabanggit na araw.

Ibayong pagbabago at maraming reporma sa BI ang pangakong binitawan ng bagong Commissioner upang mapaganda ang serbisyo ng kawanihan.

“We are looking at ways to modernize the bureau, both in terms of technologies and of services,” saad ni Tansingco.

Sa kanyang pagkakatalaga, agad na nagtrabaho si Tansingco at nagsagawa ng inspeksyon sa main office ng BI at sa frontline operation nito sa Ninoy Aquino International Airport.

Si Tansingco ang unang itinalagang Commissioner ng BI sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Siya ay nagtrabaho sa BI mula 2007 hanggang 2017, hinawakan niya ang matataas na posisyon tulad ng Chief of Staff at technical assistant ng Office of the Commissioner at bilang abogado ng BI Board of Special Inquiry.

Siya ay isang certified accountant, at pumasa sa Philippine Bar noong 1991.

“We are looking into ways of modernizing the Bureau through e-services and man-less transactions.  Not only will this up the level of the agency, but it will also serve as a major deterrent for illicit activities by removing opportunities for corruption,” saad ni Tansingco.

“We will also be pushing for the new immigration law that will update the 82-year-old Philippine immigration act to ensure that we adapt to modern times,” dagdag pa ng opisyal.