November 21, 2024

DA INUTIL AT WALANG MALASAKIT – STOP EXPLOITION (Mga magsasaka sinisi sa oversupply ng bawang, repolyo)

RUMESBAK si Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP EXPLOITION)  Chairperson Antonino Pugyao matapos sisihin ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang mga magsasaka sa oversupply ng bawang at repolyo sa merkado.

“Inutil at talagang walang pagmamalasakit ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka. Sa halip na tulong, pang-iinsulto pa ang inabot naming mga magsasaka mula sa DA”, saad ni Pugyao.

Matatandaan na sinisi ni Panganiban ang mga magsasaka sa Batanes at Benguet sa hindi nabebentang bawang at repolyo, sa pagsasabing tanim nang tanim ngunit wala namang merkado para sa kanilang produkto.

“Nakalimutan ata ni Usec. Panganiban na sa DA sya nagtatrabaho at hindi bilang tagapagsalita ng mga smuggler, importer, at mga gahamang komersyante. Ang tanong din namin ay bakit itinutulak niya na ibenta ang mga bawang na galing Batanes sa Ilocos samantalang garlic-producing din naman ang rehiyon. Para bang gusto pa ng kalihim na pag-untugin ang mga ulo naming mga magsasaka. Hindi ba siya sinabihan ni Presidente Marcos na isa namang Ilokano?”, dagdag  ni Pugyao.

Sinabi rin ng farmer-leader na dapat tignan ng DA ang totoong problema sa lokal na pamilihan. Aniya ang pangunahing isyu ay ang standing policy ng gobyerno sa malawakang pag-angkat ng mga pananim. Dagdag pa nito, dahil sa patakarang ito, binabaha ang mga lokal na pamilihan ng mga imported na pananim, na nagdudulot ng pagkawala ng kita ng mga Filipinong magsasaka at pagkalugi.

Dagdag pa nito na dapat tutukan ng DA ang trabaho nito at maglatag ng kongkretong solusyon para resolbahin ang problema ng mga magsasakang Filipino imbes na insultuhin sila.

Iginiit ni Pugyao na umaasa ang magsasakang Filipino sa DA dahil sa napakalaking P163.75 bilyon na proposed budget allocation para sa ahensiya sa 2023 NEP.

“Sayang lang ang bilyong badyet na hinihingi ng ahensya kung paninisi lang naman sa mga magsasaka ang gagawin nila. Noong nakaraan, sugar fiasco. Ngayon naman blame-game. Ito ba ang sinasabi ni Presidente Marcos na “pagtutok at pagpapaunlad” sa sektor?” , pagtatapos ni Pugyao.