November 23, 2024

5 manyak na guro ng Bacoor sinuspinde, kinasuhan

Sinampahan ng kasong administratibo ng Department of Education (DepEd) ang lima sa pitong high school teacher na inakusahan ng sexual harassment sa Bacoor, Cavite.

Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, kinasuhan ang mga nasabing guro ng grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, at paglabag sa child protection policy ng ahensiya.

Dahil sa kinakaharap na kaso, isasailalim sa 90-day preventive suspension ang nasabing mga titser.

Hindi naman nagawang kasuhan ng departamento ang dalawa pang guro dahil sa kawalan ng sapat ebidensiya.

“Natapos na po ang fact-finding, o ang preliminary investigation, diyan sa case natin sa Bacoor, Cavite. Ang update po namin diyan, out of the seven na mga teachers that were identified in the post, nag-issue na po tayo ng formal charge sa lima sa kanila,” paglalahad ni Poa sa press conference nitong Huwebes.


Umepala naman si Poa sa mga estudyante na lumapit o magsumbong sa mga kinauukulan kung nakaranas sila ng sexual harassment o pang-aabuso sa kanilang eskwelahan.

“Naghihikayat tayo sa victims ng alleged sexual harassment na lumabas para makapagbigay ng kanilang affidavit, statement or ebidensiya at para mabigyan natin ng formal charge, hindi lang itong 7, pati na rin ‘yong ibang sinasabing nag-commit ng sexual harassment,” saad niya sa isang press briefing.