November 5, 2024

9 LAGLAG SA MGA BARIL SA ANGONO

NATIMBOG at patung-patong  ang  kaso ng siyam na kalalakihan makaraang isuplong  ng  residente na may nanggugulo sa kanyang bahay sa Purok 2 Zone 1 Lower Sakura Brgy. Mahabang Parang, Angono, Rizal noong Setyembre 4 dakong alas-9 ng gabi.

Sa ulat ni Rizal PNP Provincial Director P/Col. Dominic Baccay kay Calabarzon-4A Regional Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kinilala ang mga suspek na sina Marvin Manlonongan, Jerry Manlongonan,  Reneboy Regala, Russel Gamilde, Reynaldo Regala II, Randy Delfina, Noel Salan, Allan Pagdanganan at Ramon Silvestre y Sorio 

Ayon sa pulisya, tumawag ang isang residente  na mayroong mga grupo ng kalalakihan na nanggugulo sa kanyang pamamahay. Agad na rumesponde ang mga kapulisan ng Angono MPS na nagpapatrolya malapit sa lugar at nagresulta sa pagkakahuli ng mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang shotgun na may  tatlong bala, isang Cal. 45 colt 1911 na may magazine at may kasamang dalawang bala, 9mm Norinco na may magazine at naglalaman ng 2 bala, 9mm Glock may magazine at naglalaman ng 5 bala,  Rambo knife na may habang limang pulgada, bolt cutter at itak na may habang siyam na pulgada.

Positibong kinilala ang mga suspek ng mga residente ng nasabing lugar na nakasaksi ng panggugulo ng mga ito. Ipinaalam ang mga karapatan ng mga naarestong suspek alinsunod sa Miranda Doctrine gayundin sa Anti-Torture Law, kasong (Alarms and Scandal, Grave Threat, Trespass to Dwelling, BP-6 and Violation of 10591). Ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Rizal Provincial Forensic Unit, Hilltop, Taytay, Rizal para sa  eksaminasyon (firearm verification) at paraffin test, matapos ay itinurn-over sa Angono MPS lock up jail.