November 24, 2024

Riding in trio, huli sa shabu sa Caloocan

Arestado ang isang motorcycle mechanic at kasama nitong dalawang menor de edad na lalaki matapos makuhanan ng shabu makaraang masita ng mga pulis dahil walang suot na mga helmet habang sakay ng isang motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong suspek bilang si Rizalde Tubil, 25 ng No. 88 Tolentino St., Brgy. 88 ng lungsod at ang dalawang menor de edad na lalaki.

Sa imbestigasyon ni PCpl Juan Miguel Madlangbayan, habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng East Grace Park Police Sub-Station 2 at District Mobile Force Battalion-Northern Police District (DMFB-NPD) sa kahabaan ng Ma Clara St., Brgy., 109 dakong alas-3:50 ng hapon nang parahin nila ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo dahil walang suot na mga helmet.

 Hinanapan sila ng mga pulis ng identification card subalit, sa halip na sumunod ay tinangkang tumakas ng mga suspek ngunit kaagad din naman silang napigilan at naaresto nina PCpl Rommel Diaz, Pat Jerome Belasio at Pat Mark Edd Ubaldo.

Nang kapkapan, narekober sa mga suspek ang tatlong small heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 6.69 gramo hinihinalang shabu na may standard drug price P45,492.

Sinampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa RA 10054, RA 4136, Art 151 of RPC at Section 11, Art II of RA 9165 ang mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.