November 23, 2024

MGA MANGGAGAWA NG YOKOHAMA NAGNEGATIBO SA COVID-19, CDC NAGALAK

NEGATIVE RESULTS, POSITIVE NEWS. Nagnegatibo sa COVID-19 ang 162 na manggagawa ng Yokohama Tire Philippines Incorporated (YTPI) matapos sumalang sa RT-PCR testing na pinadali ng Jose B. Lingad (JBL) Memorial Hospital. Ang positibong balita ay naghatid ng kasiyahan sa Clark Development Corporation (CDC) executives at iba pang manggagawa sa Freeport. (Kuha mula sa CDC-CD).

CLARK FREEPORT – IKINATUWA ng mga opisyales ng Clark Development Corporation matapos mapaulat na nagnegatibo sa COVID-19 ang mga manggagawa ng Yokohama Tire Philippines Incorporated (YTPI) makaraang sumalang sa RT-PCR test.

Ayon kay CDC President-CEO Noel F Manankil, napatunayan na epektibo ang safety protocols na mahigpit na ipinapatupad sa loob ng Freeport para labanan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.

Tiniyak sa publiko ng YTPO – isang tire manufacturing company sa loob ng Freeport – na ang kanilang 110 empleyado, gayundin ang 52 contractual workers mula Aresun, ay agad na na-isolate at sumailalim sa swab testing, lahat ng na-test ay nagnegatibo sa sakit.

Magmula nang pairalin ang Luzon-wide enhanced community quarantine noong Marso 15, agad ipinatupad ng CDC ang mahigpit na safety protocols sa loob ng Freeport, kasama na rito ang patuloy na pagtuturo sa mga manggagawa ng kahalagan ng regular na paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol at hand sanitizers, pagsuot ng regular ng face mask at shields, at social/physical distancing, at iba pang kaligtasan at mahahalaga na hakbang.

Sinabi rin ni Manankil na patuloy na nagmo-monitor ang Health and Sanitation Division ng CDC sa lahat ng kompanya para tiyakin na nasusunod nila ang mga health at safety protocol.

Noong Hulyo 4, 2020, isa sa contractual workers ng YTPI ang nagpositibo sa COVID-19, kaya hinimok ang tire firm na magsagawa na agarang aksyon, kasama na ang masusing disinfection at misting sa mga pasilidad gayundin ang contract tracing at mandatory self-quarantine sa lahat ng manggagawa.

Ang mga manggagawa na nakipagsalamuha sa janitor ng service provider ay sumailalim sa isolation sa loob ng 72 oras sa New Clark City (NCC), isa sa mga “mega community quarantine” facilities na matatagpuan sa Capas, Tarlac. Pinapauwi lamang ang mga manggagawa sa loob ng tatlong araw kapag nagnegatibo ang kanilang resulta sa swab test.

Kinumpirma rin ng CDC-HSD  ang test result mula sa Jose B. Lingad Memorial Hospital kung saan napadali ang RT-PCR testing sa mga nasabing empleyado.

Patuloy ang operasyon ng YTPI kasunod ng mas mahigpit na safety protocols at pinabuting countermeasures laban sa COVID-19 upang mapanatili ang isang ligtas na kapaligiran para sa lahat ng empleyado rito.